Thursday, October 30, 2014

Novela



Today was a lousy day for me. I got 4 hours of sleep last night because of a novel I'm trying to finish, and unluckily, I didn't make it. So i'll share a part of it.

Pers Lab

A Novel 

Kabanata 1
Ysabella Fuego

“Mukhang iba yata ang ngiti mo ngayon ah,” sabi ko sa bestfriend kong si Fiona na halos mamilipit sa kilig habang nagbabasa ng text message sa kanyang cellphone.

            Magkatabi kaming nakaupo sa silid aklatan ng aming eskwelahan, ang nag-iisang pampribadong paaralang pangkolehiyo sa siyudad ng Sablayan. Ang mga mag-aaral dito ay itinuturing na galing sa mayayamang pamilya dahil masyadong mahal at hindi basta-basta ang magpaaral ng anak sa eskwelahang ito pero ako ay hindi kasama sa mga mayayamang estudyanteng pumapasok dito. Nagtapos ako bilang Validictorian noong hayskul kaya tinanggap ako sa paaralang ito bilang iskolar. Kung hindi dahil sa scholarship, malamang ay wala din ako dito ngayon.
           
            Isa sa pinakatanyag na pangalan sa eskwelahang ito ay si Fiona Mendoza, anak ng isa sa may pinakamalawak na lupang sakahan sa aming siyudad. Hindi lamang iyon, isa syang anghel ng kagandahan sa tangkad, tindig at kinis ng balat. Maamo ang kanyang muka, at maalon-alon ang buhok na parang modelo ng isang sikat na brand ng shampoo kaya hindi nakapagtatakang ligawin sya ng mga gwapong lalaki sa loob at labas ng kampus namin.

            Magkaklase na kami simula pa noog first year high school, at lagi nya akong pinagtatanggol sa mga nambubully sa akin at tinuruan nya akong ipagtanggol ang aking sarili kung kinakailangan, pati ang pag-aayos ng aking sarili ay sa kanya ko nakuha kahit alam kong hindi ako ganon kagaling pagdating sa pagpapaganda kaya malaki ang utang na loob ko sa kanya. Simula noon ay hindi na kami naghiwalay, tinulungan din ako ng mga magulang niyang makapasok sa scholarship na ito kaya malaki ang pagpapahalaga ko sa pagkakaibigan namin.


            Mas gusto ko kong mag-aral kaysa magpapansin sa lalaki, marahil ito rin ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay wala pa rin akong nagiging boyfriend.

Magkaibang-magkaiba kami ni Fiona pagdating sa ganitong bagay, madaming nagsasabi na kabaligtaran ko daw siya sa pagdadala ng sarili pero hindi namin iniisip ang pagkakaiba namin dahil pareho kaming mas higit pa sa magkapatid ang turingan sa isa’t-isa. Kahit minsan ay hindi ako nainggit sa kanya dahil mahal ko ang bestfriend ko at dahil ganun din s’ya sa’kin. Masaya ako kung saan siya masaya.

            “Niyaya nya akong magdate” nakangiting ibinulong ni Fiona sa’kin. “Niyaya na ako ni Kent.”
           
Si Kent ay isang ‘Heartthrob’ sa kampus na matagal ng nanliligaw kay Fiona, anak ng gobernador ng Sablayan, modelo ng isang sikat na magazine. Sa pagkakataong ito ay balak na siyang sagutin ni Fiona kaya umaasa ako na magiging masaya si Fiona sa piling nya, ayokong nasasaktan si Fiona dahil sa lalaki katulad ng ginawa ng ex-boyfriend nya isang taon na ang nakalilipas.

“Sigurado ka na ba talaga sa kanya?” tanong ko kay Fiona. “Oo naman Bella. Isa pa, matagal na rin naman syang nanliligaw at marami na syang sakripisyo para sa’kin.” sagot nya na walang pagdududa. “Sige, pero sa oras na saktan ka niya, ako ang makakalaban niya.” at sabay kaming tumawa. “Observe silence please” sabi ng librarian na nakatingin sa amin ni Fiona.

Lumabas kami ng silid-aklatan at dumeretso sa cafeteria sa groundfloor at naupo. Umorder ng dalawang plato ng carbonara at dalawang coke si Fiona para sa aming dalawa, ito ang paborito nyang kainin dito sa cafeteria.

Madami na kaming napagkwentuhan nang lumapit ang mga kaibigan namin- sila Jake, Marco , Phen, at Shayne, ang mga kasama sa ‘circle of Friends’ namin ni Fiona. Sila ang madalas naming kasama.

 “Nandito lang pala kayong dalawa. Kanina pa namin kayo hinahanap.” Ang bati ni Marco na may kasamang tapik sa balikat ko.
Si Marco San Diego ay anak ng may-ari ng  Private Hospital sa siyudad, makulit at kwela at ako ang paborito nyang asarin sa amin. Si Jake Tan ay anak ng may-ari ng eskwelahan namin, medyo seryoso pero wala kang masasabi sa kabaitan niya, nagjo-joke din sya minsan (once in a bluemoon), pero magkasundo sila ni Marco. Si Phenelope Migramo naman ay anak ng may-ari ng Mall, samantalang si Shayne Taylor ay Fil-Am na anak ng may-ari ng pinakasikat na Artificial Island sa Sablayan. Magkasundo sina Phen at Shayne dahil pareho silang mahilig magshopping, pero lahat sila ay mababait sa akin. Mga kaibigan sila ni Fiona simula pa nung Elementary dahil sa madalas silang magkakasama sa mga salu-salo na dinadaluhan ng mga mayayamang pamilya sa aming lugar at mgkakaibigan din ang kanilang mga magulang. Dito ko na sila nakilala sa kolehiyo dahil na rin kay Fiona.

             “Ah, galing kasi kami sa library.” Sagot ni Fiona.
“Hello Friendships!” sabay dikit ng pisngi ni Shayne sa magkabilang pisngi ni Fiona (Beso-beso).
“Hello Bella” ginawa din ito ni Shayne sa akin, pati na rin si Phen. Noong una ay naasiwa ako sa ganitong uri ng pagbati nila, pero di nagtagal ay nakasanayan ko na rin.
“Hi” ganti ko naman sa kanila nang nakangiti.
Umupo sila sa table kasama namin at nakisalo na rin sa pagkain.

Masaya silang kasama. Madalas nila akong niyayaya sa mga party pero bihira akong sumasama dahil alam kong hindi ko kayang makipagsabayan sa katulad nilang mayayaman.
“Guys, I have something to announce you…” sabi ni Shayne na inglesera.” I am turning 18 on Saturday and I want you all to come!” habang inaabot sa amin isa-isa ang invitation card.
“Wow! Advanced happy birthday Shayne.” sabi namin sa kanya. “Today is Monday, so meron pa kayong 5 days to prepare. You are included in my Cotillion.” dagdag nya pa.
  
Ngumiti lamang ako para itago ang pag-aalangan. Iniisip ko kung saan ako kukuha ng isusuot kong damit para sa Debut ni Shayne.
“Ayos! Asahan mo kami.” Sagot ni Marco sabay akbay kay Jake na walang imik. “Diba Jake?”
“Ah, yes. We’ll go.” sabi ni Jake na parang napilitang magsalita.

“Excited na ko!” sabi naman ni Phen sabay yapos kay Shayne.
Inilapit naman ni Fiona ang mukha sa akin at bumulong “Don’t worry, akong bahala sayo”.Ngumiti lamang ako kay Fiona para magpasalamat.


~~~~~~~~~~~~~~**************~~~~~~~~~~~~~
 Kabanata 2
Marco San Diego

Magkakaroon ng party si Shayne sa sabado. Nakakatuwa naman at first time kong makikita si Bella na magsusuot party dress. Dalawang taon na kaming magkakasama pero kahit kailan ay di ko pa sya nakikitang magdamit pambabae lagi syang naka-jeans at tshirt. Minsan ay iniisip ko na baka ‘lesvian’ sya dahil lagi nyang kasama si Fiona, tapos wala pa syang nagiging boyfriend kahit isa. Pero tinanong ko naman si Fiona tungkol dun, tinawanan nya lang ako. Hindi nga talaga siguro tama ang hinala ko.

“Bella, baka mag-jeans ka dun ha?” pabiro kong tanong kay Bella.

“Hmp, wala ka na ba talagang maitatanong Marco bukod dyan?” sinagot nya ako ng isa pang tanong at nagtawanan kaming lahat.

Gusto kong makitang nagsasalubong ang kilay niya kapag naiinis- ang cute cute kasi ng mga mata nya, bilog na bilog, sayang nga lang at hindi masyadong kita dahil sa suot nyang salamin sa mata.
Kahit wala syang gamit na lipstick ay mapula ang labi nya. Ang ganda ng hanay ng ngipin na lumalabas kapag ngumingiti sya.

“Kring!!!” Tunog yun ng bell na nagpapahiwatig na kelangan na naming pumasok sa klase kaya tumayo na kami at sabay-sabay na naglakad patungo sa silid.

Habang nagtuturo si Mr. Mortiz ay iba-iba ang ginagawa ng mga kaklase ko. May naglalaro gamit ang cellphone, nagtitext, at mga babaeng nakatitig sa salamin at nagpapaganda. Sumulyap ako kay Bella, seryoso syang nakikinig sa sinasabi ni Mr. Mortiz tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas. Naiinip ako sa klase naming ito- Philippine History, pero si bella ay interesado pa rin. Masipag siya mag-aral at bago pa magsimula ang klase namin ay nakapag-research na sya tungkol dito kaya hindi nakakagulat na sya ang una sa rank sa Dean’s List, kailangan nya daw gawin iyon para sa scholarship nya. Siya na ang Ms. Right and Proper ng henerasyon.
Napahikab ako dahil sa antok.
Pinuna tuloy ako ng aming propesor
“Mr. San Diego, yawning during my class is punishable by law!” – Ito ang Republic act #1 na ipinatupad nya sa klase namin simula nang maging guro namin sya.
Nagtawanan silang lahat sa akin at nakita ko si Bella na sumulyap sa akin nang nakangiti at umiiling-iling.
“Sorry Sir” sabi ko na lamang.

“Kring!!!” Tumunog na ulit ang bell.
“Hay salamat, uwian na rin!” Nasambit ko na lamang sa sarili. Lumapit sa’kin si Fiona at nakiusap na ihatid ko muna si Bella.
“ Marco, sabayan nyo muna ni Jake si Bella pauwi ha, may lakad pa kasi ako. Ayokong nag-iisa si Bella eh. Pwede ba?”
Ilang Segundo muna ang pinalipas ko bago ako sumagot.
“ O sige. Dahil request mo…” sagot ko.
“Thank you friend!” sabay alis ni Fiona at kinausap si Bella.

~~~~~~~~~~~~~~**************~~~~~~~~~~~~~


Kabanata 3
Ysabella Fuego

Lumapit si Fiona sa akin pagkatapos ng klase para magpaalam.
“Mauuna na ko sa’yo Bella ha, naghihintay na kasi si Kent eh.” sabi nya sa’kin. “Don’t worry, ihahatid ka nila Marco” at humakbang patalikod patungo sa pinto.
“Sige, Fiona. Ingat and enjoy.” Natanaw ko si Kent sa pinto at kumaway sa akin. Ngumiti naman ako sa kanya pabalik. Sinalubong nya si Fiona at kinuha ang bitbit nitong bag saka sila lumakad palayo.

May kumalabit sa likod ko, at alam kong si Marco yun. Hinarap ko sya at tinanong. “Bakit?”
“Ibinilin ka sa’min ni Fiona kaya sa ayaw mo at sa gusto ay ihahatid ka namin” sabay kuha sa dala kong handbag na may lamang aklat at laptap at lumakad.
“Ano pang tinatayo-tayo mo diyan? tara na?” ang maangas na pagsasalitang nakapagpapakunot ng noo ko habang ang seryosong si jake ay sinenyasan ako na sumama na sa kanila.
“May choice pa ba ako?” sabi ko na lamang kaya sumunod na rin ako sa dalawa.

Tahimik lamang si Jake. Walang imik, at sumasang-ayon sya sa lahat ng sinasabi  ni Marco na madaldal pa sa babae. Lubos kong iniisip kung paano nagkakasundo ang dalawang lalaking ito.
 Papunta na kami sa parking lot nang masalubong namin ang mga babaeng Hot babes ng tourism course. Matatangkad silang babae  lalo na at nakasuot sila ng 6“ high heels na sapatos.
            “Hi Jake, hi Marco...” ang malambing nilang pagbati sa mga kasama ko at may kindat pa.
“Hello girls” sagot naman ni Marco sa kanila na humahabol ng tingin sa mga babae at parang mababali ang leeg sa paglingon.
Hindi naman ako magtataka kung bakit habulin sya ng babae dahil may maganda syang pangangatawan, matangkad at sabihin na nating gwapo kahit nakakainis. At lalong hindi ako magtataka kung playboy sya.

Hindi nagdadala ng kotse si Jake sa school dahil kasabay nya lagi si Marco. Sumakay na kami sa kotse ni Marco, sa backseat ako umupo (syempre).
Minaneho na ni Marco ang sasakyan. Pinatugtog ang mga OPM songs ng paborito nyang banda- Spongecola. Sinabayan nilang dalawa ang tugtog habang tumatakbo ang sasakyan. Medyo mabilis ang takbo namin dahil siguro mabilis din ang himig ng tugtog.

Maya-maya’y tumigil kami sa Jollibee Drive Thru. Binuksan ni marco ang bintana ng kotse at nagsalita: “3 regular fries at 3 regular coke”. “Rightaway sir” sagot ng nasa counter.
“Ok ka lang ba diyan Bella” tanong ni Jake sa’kin.
“Oo, ok lang ako.” sabay ngiti.
Inabot na ni jake ang pagkain sa counter at nagbayad.
“Nagutom kasi ako sa pagkanta” sabi ni marco.
“Kahit ako nagutom din sa pakikinig sa boses mo” mahina kong ibinulong sa sarili. “Ano?” lumingon sya sa’kin.
Tumawa naman ng malakas si Jake sa narinig.
“wala.” sabi ko na lang.Iniabot ni Marco ang fries at coke sa akin at tumawa ng bahagya.
“Salamat.”

Pagkaraan ng limang minuto ay hindi ko pa rin nauubos ang pagkain na hawak ko. Nakarating na kami sa bahay. Binuksan ni Jake ang pinto para sa akin at bumaba na ako ng kotse.
“Salamat sa paghatid. Ingat kayo pauwi.” kumaway ako sa kanila para magpaalam. Dumungaw naman si Marco at nilibot ang paningin sa bahay namin na para bang kinikilatis ito ng maigi. “Paalam!” sinigaw ni Marco sa akin habang papasok ako sa gate at umandar na palayo ang sasakyan nila.


~~~~~~~~~~~~~~**************~~~~~~~~~~~~~

Kabanata 4
Jake Tan

Pagkagaling namin ni Marco kina Bella ay niyaya ko muna sya sa bahay tulad ng nakagawian na naming gawin ni Marco.
Nagbukas kami ng tig-isang bote ng san mig lite at tumagay.
“Dude, do you like her?” tanong ko kay Marco.
“Sino?” Painosenteng tanong ang isinagot nya sa’kin.
“C’mon.That girl, you know who I am talking about”
Tinungga niyang muli ang laman ng bote.” Ahh…si Bella. She’s a nice and nerdy girl…” sabay ubos sa natitirang laman ng bote.
Kababata ko si Marco kaya pamilyar sa akin ang bawat kilos nya pero hindi nya ito inaamin.
“E ikaw, kamusta na kayo ni Marie?” Bigla nyang binagoa ang paksa at ako naman ang tinanong niya.

Si Marie ang girlfriend ko na isang fashion designer sa Paris. Mag-iisang taon na sana kami sa susunod na buwan  pero nagkakalabuan kami ngayon. Matalino si Marie, at panatag ang loob ko kapag kasama ko siya. Hindi ko yun nararamdaman sa iba, sa kanya lamang ako sumasaya. Marahil dahil simula sa pagkabata ay siya na ang kasama ko, isa pa, mas matanda siya ng limang taon sa akin kaya alam nya kung paano ako pakakalmahin kapag may problema ako.

“We’re fine.” sabi ko. “We will be fine.” dagdag ko pa.
“Bakit dude, may problema ba kayo?”

“May iba na syang nagugustuhan, nakipaghiwalay na sya sa’kin.”

No comments:

Post a Comment